hindi ko alam kung bakit ganun na lang ako ka-attach sa mga bagay na matagal ng nasa akin. ewan ko ba... biruin mo yun, nandun yung medyo sasama ang loob mo o malulungkot ka kapag isipin mo lang na mawala o di kaya talagang mawawala na yung mga bagay na yun. nariyan kasi yung napamahal na sila sa iyo, mapa-importanteng bagay man o hindi naman gaano para sa iyo o sa ibang tao. meron yung napakasimpleng-bagay na madaling palitan kasi kailangan ng palitan dahil kupas na o napagiwanan na ng panahon.
29 December 2008, naglilinis kami ng bagay. sa totoo lang, ayaw na ayaw kong maglinis ng bahay. tamad ako pagdating sa mga bagay na ganyan. (sino ba namang hindi?) siguro merong mga taong gustung-gustong maglinis ng bahay. tulad ng nanay ko, pagdating diyan may pagka-obssessive-compulsive siya sa kalinisan. konting disarrangement lang, magagalit na; parang nakagawa kami ng mortal na kasalanan kung magalit.
ako ang nakatoka sa kwarto naming magkapatid. sa baba yung kapatid ko, yung nanay ko naman sa kabilang kwarto. sa totoo lang tuwing maglilinis ako ng kwarto lalo na kapag yung mga libro na ang aayusin, medyo gaganahan na 'ko niyan, kasi habang naglilinis nandiyan yung sisilip ka sa mga libro na nililinis mo, na madalas may mga nakasingit na papel at kung anu-ano pa na hindi naman dapat nandun. ako naman, at hindi ko alam kung bakit, matiyaga kong binubuklat yung mga nakasingit na 'yon; babasahin kung dapat ba o hindi na dapat pang itago. "huwag kang magtatapon ng libro, para ka na ring nagtapon ng 'knowledge' niyan." ito ang sabi sa 'kin ng nanay ko habang naglilinis. kahit pa man daw luma na ang kaalamang nakapaloob doon, kaalaman pa rin iyon na mapapakinabangan (naisip ko ng sinabi niya 'to, pati na iyong mga impormasyong nakasulat sa mga pira-pirasong papel o ika nga sa mga 'scratch' papers, knowledge din 'yon). bago pa 'yon napagdesisyunan ko pa namang itapon na yung sa tingin kong hindi papakinabanagan. idinagdag pa niya, malas daw ang nagtatapon ng libro. tinanong ko kung bakit, basta ang sagot niya eh yung quote na nasa taas. sumunod na lang ako, kasi may point siya tungkol dun sa quote na iyon, pero di ko alam kung bakit malas magtapon ng libro.
pagkatapos ng libro, yung isa namang lalagyan na puro papel, handouts tungkol sa mga pinag-aralan sa school. knowledge na naman, sinort out ko rin siya at itinapon yung di naman dapat nandun. hay, nakakapagod na gawain talaga ang maglinis. huli kong nilinis yung computer namin. mukha ngang napabayaan eh, kasi napakadumi. buti na lang black yung kulay niya. nang matapos siyempre ang saya kasi wala ng dumi sa paligid mo kaso, wla ngang dumi sa paligid may naiwan naman sa katawan mo. ang labas tuloy nanggigitatang pakiramdam.
matapos makapaglinis ng katawan, may isa pa pala kaming dapat linisin: yung kama. kailangan ng palitan ang sapin at punda ng mga unan. ang nakakalungkot para sa akin na sa tingin ko eh napakababaw sa inyo ay yung mga unan. bumili kasi kami ng unan sa Megamall, kita namin sale, hindi lang yung unan, yung buong SM mismo. year-ender sale nila. eh bakit ako malungkot sa bagong unan? Ibig sabihin kasi nun itatapon na 'yung mga luma. mga lumang unan na nakapiling ko na nung bata pa ako, elementary pa 'ko. kahit na marumi na at halos wala ng palaman, masarap pa ring higaan kasi nakasanayan na at napamahal na sa iyo. sa sarili ko, nalungkot ako kasi mawawala na sila: yung mga unan. nakailang-alaala na ring matunghayan ang mga 'yon, nakailang-laway na rin ang tumulo doon, naka-ilang higa na rin ako doon. hindi ko man maipakita ng direkta kundi sa mga pabiro lang, nkakalungkot talaga. siguro medyo nakakatawa ngang isipin na unan lang ang mga 'yon, hindi naman tao, bakit kailangan pang-hinayangan.
habang nagpapalit ako ng punda, sapin, at ng unan napatitig ako ng matagal sa kanila. ewan ko kung ano'ng iniisip ko nun. basta parang ayaw kong itapon at itago na lang, basta nandun lang sila sa bahay. wala akong magagawa kasi dapat nang palitan kasi luma na at marumi pa. habang isinasantabi ko sila, sa loob-loob ko, parang may gustong magpaalam. sa loob ko nanggagaling. napagtanto ko na hindi lang ang sarili ko ang nagpapaalam, pati na rin yung mga alaala iniwan ng mga unan na 'yun. siyempre ang mga alaala na yun ay maiiwan sa loob ko, kasi alam ko na naging bahagi na 'yon ng sarili ko.
marami na rin akong naranasan na ganito. siyempre hindi nawawala sa akin ang lungkot. ewan ko ba... kahit sa mga simpleng bagay, ganito ako kung mag-react. marahil na rin sa pagpapahalaga ko sa mga bagay na naging bahagi ko na. para sa akin, may nai-contribute sila at may dahilan. parang sa tao na rin siguro o sa panahon at pagkakataon, may mga dahilan lahat. nasa sa iyo kung papansinin mo o babalewalain sila, kung papapasukin mo o itataboy mo sila.
sa pagtatapos ng taong 2008, sana, malungkot man o masaya, libro man o unan, lahat ng mga naranasan natin at mga alaala ng nagdaang taon ay pahalagahan natin dahil kahit papaano ang mga ito ang naghubog sa ating pagkatao at sa kung ano man tayo ngayon...
manigong bagong taon sa lahat!
No comments:
Post a Comment